O Sagradong Pusong puspos ng pag-ibig
Pakinggan ang awit nitong aking bibig,
Hayaang sa mundo’y kumalat marinig
Awit ng papuri ng munti kong tinig.
O Pusong sagana sa awa at habag
Sa lahat ng tao – higit sa mahirap,
Kinakalinga Mo’t pag-ibig ay wagas
Inihahanay Mo sa mga mapapalad.
Pahintulutan Mong sa langit dumatal
Itong pagpupuri sa Ngalan mong Banal,
Mula sa putikan at mabahong kanal
Itong aking puso ay nagsusumigaw.
Pupurihin Kita laging aawitan
Hanggang ang puso Mo ay aking makamtan,
Sa mga biyaya’y pasasalamatan
Sa mga gawa Mong kabanal-banalan.
Dito sa ‘ming piling ay may isang tao
Pag-ibig sa Iyo’y wagas at totoo,
Sa api at dukha kalinga n’ya’y husto
Payak kung mamuhay, ngalan ay Franciso.
Tulad ng Iyong puso kanya ri’y sugatan
Dulot ng tuligsa sa Inang Simbahan,
Ngunit siya’y handang puso’y maligiran
Ng tinik na dala ng mga kaaway.
Si Papa Franciso’y buhày na halimbawa
Ng awa at habag, pag-ibig sa kapuwa,
Pagtatanging lubos sa aba at dukha
Di matatawara’t laging ginagawa.
Isang hamon sa aking nasa paghuhubog
Kung paanong puso ay isukong lubos,
Sa pusong sugatan ni Hesus na Diyos
Paanong itutulad, paanong isusunod?
Ang isang paraan na dapat tularan
Kay Papa Franciscong naging panuntuan,
Mahalin ang lahat – mahirap, mayaman
Tanda ng pag-ibig ng Diyos na mahal.